Ano nga ba ang tamang edad para masabing may karapatan ka nang umibig. Yung tipo ng pag-ibig na nararamdaman ng dalawang taong nagmamahalan, yung romantic love?
Madalas kong marinig sa mga matatanda yung linyang "bata ka pa", "masyado pang maaga", pati na yung "hindi pa yan seryoso". At kanikanina lang, narinig kong muli yung linya na yan sa kapatid kong 18 years old (Czar) at sa kababata namin na 21 years old (Abby). Sinasabihan nila yung isa pa naming kababata na 16 years old (Joey), noong sinabi ni Joey na may balak siyang ligawan yung natitipuhan niyang babae.
Bigla akong napaisip, paano mo masasabing masyado pang maaga para magmahal?
Tama bang sabihin na masyado pang maaga at bata ka pa kaya hindi pa seryosohan ang drama ng pag-iibigan ninyo?
Marahil ay may antas ng maturity ng pag-iisip na kinakailangan para masabing handa ka na para mag mahal. Marahil ay sa murang edad wala ka pa nito kaya sinasabi nilang bata ka pa at hindi pa yan seryoso. Pero tama nga bang pangunahan kung ano man ang iyong nararamdaman kung sa kasalukuyan ito ang pinaka masarap na pakiramdam na iyong nadarama - yung tipong buhay na buhay ka at totoong totoo ang iyong nararamdaman?
Siguro naranasan na rin nating magkaroon ng tinatawag nilang 'puppy love' - yung isang tao na gustung gusto mo, na palihim mo pang iniiyakan at palihim na nagpapakilig sayo - para sayo isang ngiti lang niya magliliwanag na ang buo mong linggo at makausap lang siya ay solve na solve na ang isang buong buwan mo.
Walang mali sa pagmamahal, ano mang edad nito, kailangan mo nga lang maghanda sa mga pagsubok. Maging kayo man o hindi hanggang sa dulo, ang importante ay hindi ka naging duwag na sundin ang iyong puso, at matuto sa lahat ng mga pinagdaanan mo.