Tuesday, September 3, 2013

Pilipinas at ang Midyang Pangmasa

Dahil patungkol sa Pilipinas ang saloobin na ibabahagi ko ngayon, hindi muna ako mag-iingles.

Inaamin kong hindi ko masyadong pinagtutuuan ng pansin ang Midya sa Pilipinas, para sa akin, kuntento ako sa mga balitang inihahain sa akin. Ito ay dahil nararapat lamang na ibalita sa mga mamamayan ang mga importanteng kaganapan sa ating bansa. Ngunit simula nuong napanuod ko ang isang dokumentaryong gawa ng ibang bansa tungkol sa isang hostage taking sa Maynila, naisip kong sumusobra na ang kalayaang ibinibigay natin sa Midya - hindi na ito naaayon, at nakakasira na ito ng buhay.

Isang salamin ng mamamayang Pilipino ang mga ipinapakita natin sa telebisyon, sa radyo, sa internet, at sa mga dyaryo. Isang bagay na malinaw na ipinapahiwatig natin sa ating mga karatig bansa kung gaano natin pinapahalagahan ang pribadong buhay ng mga sikat na personalidad sa ating bansa: pulitikal man o nasa entertainment industry.

Hindi ko ngayon mapigilang masuya sa mga balitang ipinapahayag sa telebisyon. Alam kong sumusobra na sa pamantayan ng 'tama' ang ibinabalita nila sa kadahilanang halos lahat ng balita natin ngayon ay puro mga "chismis" puro sabaw sa pinaka sentro ng totoong isyu. HAI. Tayo namang mga mamayan, kagat lamang ng kagat sa mga trending kuno na mga balita.